Monday, July 16, 2007

Gawad Kalinga

Gawad Kalinga? Ano ba ito?

Matagal ko ng naririnig itong Gawad Kalinga, subalit nito lamang nakaraang araw ko lubusang naunawaan kung ano ba talaga ang organisasyong ito. Nagkakape kasi ako nung isang araw sa pantry namin habang naghihintay sa shift ko ng napansin ko ang pinalalabas sa TV. Akala ko pa nga nung una eh rally kasi may mga taong nasa stage at mga nagsasalita. Babae, lalake, binata, may asawa, estudyante, peti-burgesyang propesyunal at propesyunal. Tapos pinakita doon ang mga kababayan natin na sadlak sa kahirapan. Napahinto ako at nabaling ang atensyon ko ng husto. Grabe, ang lakas ng naging "impact" sa akin. Palibhasa siguro ay likas na sa akin ang pagiging pusong mamon. Mabilis madurog ang puso ko sa tuwing makakakita ako ng mga taong hikaos subalit walang magawa kundi magpalamon sa sistema. Lalo na kung bata, langya talagang hindi ko minsan matagalan. Nagtutubig kaagad ang mga mata ko at para bang gusto kong umiyak. Hindi biro ang dinaranas nilang hirap lalo na yung mga nasa ilalim ng tulay, overpass, sidewalk, iskwater area at kung saan-saan pa.

Tapos nakita ko na may mga taong nagtutulong-tulong para bumuo ng bahay. "Yun! nakuha ko na."(sabi ko sa isip ko) "Gawad Kalinga, ito pala yun."

Pag-akyat ko sa production area namin para mag-calls(term namin pag start na ng shift). Napansin ko ang wallpaper ng mga monitor eh invitation para sa gaganaping program sa ika-Labing lima ng Hulyo taong kasalukuyan sa isang lugar sa Pasig City. NakipagTie-Up pala ang company namin sa Gawad Kalinga. Wow! Gusto ko ito sabi ko sa sarili ko. Aattend ako dito.

Kanina nga ay sumama ako sa company namin para sa "ICT-GK Tawi-Tawi Project." Yung 4 na sites ng ICT ay nag-participate RCBC(Makati), Shaw, Marikina(RiverBanks) at Unionbank(Ortigas). Excited talaga akong sumama kahit wala akong kakilala sa mga kasama. Hindi kasi sumama yung account ko kaya ayun para akong bata na naiwan ng nanay sa mall mag-isa. Pero ayos lang, hindi naman ako sumama para magkipagharutan dun eh. Sumama ako dahil gusto kong tumulong, gusto kong makibahagi. Wala pang tulog at puyat, pero masaya dahil makabuluhan ang pupuntahan ko.

9am nagsimula yung program na dinaluhan ng mga officers at employee ng ICT. Andun din ang baranggay captain ng "Tawi-Tawi, president ng home-owner association at mga taong may pakana ng nasabing project. Pasensya na kung hindi ko na nabanggit yung mga pangalan kasi hindi ko talaga matandaan eh. Masyado kasi akong abala sa pagmamatyag sa mga taong nakatira doon. Nakikita ko sa mga mata nila ang bagong pag-asa na siya na namang nagpapatubig ng mga mata ko. Natutuwa talaga ako. Astig!

Pagpasok pa lang sa may looban nila eh may mga nanay agad na nakamalong at babatiin ka ng "Magandang Umaga" at lalagyan ka ng pin na may nakasulat na "ICT, Gawad Kalinga, kasali kami dyan!" Ramdam ko ang saya ng kanilang pagbati. Peksman! Tinititigan ko yung mata nung nanay na nagkakabit ng pin sa T-shirt ko. Isang bagong umaga ang nakikita ko sa kanya, isang bagong umaga.... Doon ko hindi napigilan papatakin ang luha ko. Pero sa isang mata lang huh, at agad ko din pinunasan ito para hindi halata, baka sabihin ng mga ibang employee eh nasisiraan na ako ng ulo. Pin lang eh iiyak na ako. Kung alam lang sana nila! Masaya ako kaya ganun.

Bago natapos ang program eh pinapila kami para sa traditional passing of bricks(yung pasa-pasa kayo ng hollowblocks papunta sa mga gagawin pang mga bahay). Kalahati pa lang kasi ng looban yung natatapos eh. Tsaka hindi ko alam pala kung traditional passing of bricks nga ang tawag dun, wala kasi ako maisip na tawag eh. pangit naman kung "Pasahan ng hollowblocks" o kaya "Saluhan ng hollowblocks". Sensya na tao lang! Ang saya kasi tulong-tulong. Angas!

Matapos ang batuhan este! pasahan ng hollowblocks ay unti-unti ng naguuwian ang lahat.(kasama ko dun syempre). May service na van kaya sumabay na ako hanggang sa RCBC makati sites ng ICT. Tapos sumakay ng dyip pauwi. Ok talaga.. masaya, mahirap at makabuluhan.

Ito na ngayon ang Gawad Kalinga, isa silang organisasyon na tumutulong para mabigyan ng disenteng masisilungan ang mga taong hirap at walang sariling matatawag na pamayanan. Hindi lang ito sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa na rin. Nagsimula sila nung 1995 ng magsagawa ang Couples for Christ ng outreached sa may Bagong Silang, Caloocan City. Ngayon ang Bagong Silang ay nagkaroon ng isang maayos na komunidad. Ang galing diba! Talagang lalapat at lalapat ang kamay ng may kapal sa mga taong handang tumawag at magmahal sa kanya. Simula nga noon, ang Gawad Kalinga ay walang pagod na gumagawa ng isang tali na siyang bibigkis sa mga Pilipino.

Sana makita rin ng iba pang kapwa ko Pilipino ang mga nakita ko. Hindi lang bahay ang binubuo ng Gawad Kalinga, kundi dignidad, dignidad.... na minsang nanakaw ng kahirapan. Alam kong mahirap baguhin ang kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas, subalit ano't ano pa man, hindi pa rin natin maaaring sa-isangtabi ang lakas ng nagkakaisang-bisig. Sana sa simpleng pagdalo ko at munting dasal ay naipakita ko sa mga taga "Tawi-Tawi" na bukas kamay ang aking pakikipag-kapwa. Nawa'y hindi pasukin ng bulok na sistema ang Gawad Kalinga. HARINAWA.............


(Mabuhay Ang Gawad Kalinga at ang ICT company!)

1 comments:

babybluebellebj said...

bata pa lang ako mainit na sa mga mata ko ang mga mahihirap sa lansangan na walang tahanan, ganun din ang mga taong grasa...awa ang nararamdaman ko sa kanila, panghihinayang na sana'y may magawa ako para sa kanila, saya na ako'y pinagpalang may masisilungan at inis sa sarili pagkat wala akong magawa para sa kanila...pangarap ko balang araw na makatulong ako sa tulad nila...naiingit talaga ko sayo kuya dahil sa mga opportunity na meron ka - na makatulong sa tulad nila at makarating sa iba't ibang lugar...nawa magkaroon din ako...salamat kuya...