Wednesday, July 11, 2007

Mga Diwata, Ang Panday at Mga Grupo Adbenturero(Pagsasanib Pwersa sa Anawangin)


Isang pagbati ang nais kong ipanimula sa bawat taong makababasa ng kwentong ito. Nawa'y tahimik ang iyong kaluluwa sa bawat pagyanig ng ating mundo! Mula sa sakit, sakuna, problema, pakikibaka, paglaban at paglaya. Hayaan mong awitan ka ng aking munting kwento mula sa karanasang naganap sa tagong paraiso sa kanayunan ng Zambales.

Hindi pa man bumabati ang buwan ng Hulyo ay nagpasya si KaJhunnel na ganapin ang kaarawan niya at ng kasamang Ka-Melchor sa Zambales. Nang ibalita sa akin ang plano ay walang pagsidlan ang tuwang aking nadarama. Dahil matagal-tagal na rin na wala akong bisita sa mga lugar na siyang nagiging piping saksi sa aking mga tula at pangarap.

Sabado nitong asiyete ng bukang liwayway ng tumulak kami patungong San Antonio Zambales. Pito lang kami sa grupo na binubuo ni KaJhunnel, Ka-Melchor, Ka-Moymoy at Ka-Shane Ka-Patrick, Ka-Charie at ako! Hindi ganap na alam ang patutunguhan ay tumulak na buo ang pag-asa na hindi gaanong luluha ang langit!(Bagama't sa isang banda ay nais ko ring bumuhos ang ulan). Pasado alas-nuwebe ng marating namin ang bayan ng San Antonio. Agad kaming dumiretso sa pamilihang bayan upang sa aming munting salo-salo. Matapos ang pamimili ay agad na rin kaming tumulak sa lugar na kung saan ay susunduin kami ng bangka ni Ka-Boyet. Napakasarap ng aming pagbagtas sa dagat ng Zambales, ramdam ko ang pananabik ng aking kaluluwa sa mga puno, tubig, bituin, sariwang hangin at lupa na tahimik at mistulang nakatitig lang sa amin.

Kalahating oras at humalik ang aming mga paa sa paraiso ng Anawangin. Sinalubong kami nila tatay Emmanuel at nanay Saria. Biglang bumilis ang tibok ng aking puso sa aking mga nasilayan. Umaawit ang mga bato, tumutula ang tubig at pakumbabang kumakaway ang puno sa utos na rin ng haring hangin. Agad kaming nag-ayos ng mga dapat gamitin sa aming pananatili roon ng isang araw at isang gabi. Matapos ang masayang tanghalian ay hindi namin mapigilan ang pumailanlang sa lihim ng Anawangin.

Sa aming pagbagtas sa loob mismo ng gubat ng Anawangin ay marami akong natuklasan
hindi lang sa lugar kundi maging sa akin na ring sarili.
Nabatid ko na gaya ng batis na aming nadaanan, ay tulad ko na patuloy ang pag-agos patungo sa malawak na karagatan ng buhay. Kung saan man ako talagang pupunta ay mahirap matiyak. Ang mahalaga ay hindi natutuyo ang aking tubig ng pagasa na hindi maglalaon ay masisilayan ko rin ang kapayapaan sa aking pagal na kaluluwa.


Nagpasya kaming lisanin ang gubat dahil na rin sa utos ng langit. Para kaming mga
batang tumatakbo habang hinahabol ng ulan. Napakasarap at napakapayapa. Pagdating sa pampang ay agad kaming naligo sa paanyaya na rin ng dagat. Masaya kaming nakipaglaro sa mga alon habang ang ulan ay patuloy sa pagbuhos. "Dakilang Manlilikha maraming salamat po sa buhay. Itulad nyo nawa kami sa kasimplihan ng iyong pang ibang nilikha".


Matapos ang aming pagligo ay kami ay naghanda naman para sa hapunan. Sayang nga lang at walang mainit na tsokolate at matamis na suman. Matapos ang hapunan ay inihanda na rin namin ang maiinom. Sa gitna ng aming masayang inuman ay nalipatan kami ng mga bago naming nakilala sa lugar. Si Ka-Robbie at Ka-Boyet(ang mga panday) at ilang pagtagay pa ay lumapit naman ang mga diwata ng lugar, si Romer, Kit-Kat at Duke. Masaya at makabuluhan ang aming pakikipagkwentuhan sa kanila. Nga lang, mukhang hindi masyado masalita talaga ang mga diwata. Kuntento na sila sa kakatawa. Nauna lang talaga ang mga komedyante sa telebisyon dahil kung hindi, may tulog sila sa mga banat ni Ka-Melchor at Ka-Patrick.

Halos kulang ang magdamag subalit kailangan magpahinga para sa iba pang pakikibaka. Minsan pa, bumuo ng bagong kaibigan ang aming pagbisita sa Anawangin. Sa lahat ng aming nakilala at nakakwentuhan. Ang aking lubos na pasasalamat. Sa pagsasanib pwersa ng mga Diwata, Ang Panday at mga Adbenturero. Itaas nyo! Patuloy tayong maglalakbay, tutuklas, bubuo at magsusulat para may maisaysay ang mga bagong darating na henerasyon! HANGGANG SA MULING PAG-AHON!


(Yung ibang pix ay courtesy ng ADTREk salamat kay Jhunnel)

"Paki click na lang ng mga larawan sa right side for more pix"(Anawangin)

1 comments:

trekking said...

Peace be with you!
ganda ng masterpieces mo,sir!kakatuwa at kakalibang kasi maraming aral...
pagbati nga pala mula sa kaibuturan ng aking puso...at salamat sa mga taong nakasalamuha natin,namely;si,sila at sina lalo na si...
"finding solitude is seeking God's perfect creation..."